Para sa aking Mahal na Magulang

Image
By: Eden Diao Apostol

Ang buhay kong ito'y sa inyo nagmula Pangalawa sa Diyos na s'yang lumikha Utang ko sa inyo ang aking hininga Minahal, hinubog ng inyong kalinga. Mga sakripisyo'y sadyang hindi biro Mula ng ako'y iniluwal sa mundo Pag-ibig na iniukol sa 'ki'y totoo Pagmamahal ninyo'y nagsilbing lakas ko. Ako'y tinuruan ng magandang asal Sa gitna ng hirap ako'y pinag-aral Upang 'di mapariwara ang aking buhay Diplomang natanggap sa inyo ini-alay. Ngayon ang buhay ko ay sadyang kay-palad Pangarap ko'y unti-unting natutupad Ito'y bunga ng 'nyong dakilang paglingap Sa 'king puso'y walang hanggang pasalamat.

Palabas Sa Loob

Hala hayan na at biglang tumutulo
Mga luha sa mata na pang gulo,
Habang pinapanood mga iyakan at away
Sa dramang tinututukan ng walang humpay.

Mas dama mo pa ang init ng palabas
Kesa sa isinusubong kanin at patatas,
Di mo na naririrnig si Junior na umiiyak
Kasi ang TV ay mas maingay yun ang tiyak.

Inday hindi ka pa ba nagsasawa
Sa bawat eksenang kanilang ginagawa,
Na kinopya lamang sa mga dati pang palabas
Paulit ulit at pabalik balik na parang walang wakas.

Drama dito drama doon walang ibang pinanood
Kahit mangapitbahay mapanood lang ng sunod sunod,
Drama dito drama doon mga istasyon palaging ini-ere
Pati si Shaider winasak na parang mumurahing yukulele.

Wala kanang ibang ginawa kundi manood ng drama
Pamilya, kapitbahay pati pusa nadamay at nahawa,
Di pa nakontento pati boratsero niyayang manood
Sige nood kahit nakaupo nakatayo o nakaluhod.

Ngayon pati ikaw naging isang drama
Konting biro lang di kana mapatawa,
Lahat ng bagay siniseryoso ng buong todo
Sa tingin ko'y kailangan mo na ng saklolo.

Kulang na lang korona at pwede kanang tawaging reyna
Ang galing mong magdrama parang totoong eksena,
Ale ikaw ay masyado nang maramdamin
Akala mo buong mundo ay iyong papasanin

Palabas sa loob, utak at damdamin ay nilason
Magpalunas kana't malala na iyong kondisyon,
Buhay mo'y naging katulad ng dramang pinapanood
Iyak ka ng iyak baka nga ikaw na ay malunod.

Katha Ni: TheFlipfloper

Comments

Popular posts from this blog

Para sa aking Mahal na Magulang

Siya na Aking Ina

Lumipad at Mangarap