Para sa aking Mahal na Magulang

Image
By: Eden Diao Apostol

Ang buhay kong ito'y sa inyo nagmula Pangalawa sa Diyos na s'yang lumikha Utang ko sa inyo ang aking hininga Minahal, hinubog ng inyong kalinga. Mga sakripisyo'y sadyang hindi biro Mula ng ako'y iniluwal sa mundo Pag-ibig na iniukol sa 'ki'y totoo Pagmamahal ninyo'y nagsilbing lakas ko. Ako'y tinuruan ng magandang asal Sa gitna ng hirap ako'y pinag-aral Upang 'di mapariwara ang aking buhay Diplomang natanggap sa inyo ini-alay. Ngayon ang buhay ko ay sadyang kay-palad Pangarap ko'y unti-unting natutupad Ito'y bunga ng 'nyong dakilang paglingap Sa 'king puso'y walang hanggang pasalamat.

Ina....Sa Likod Ng Bawat Pangarap-Para Sa Mga Inang OFW

 Isa na namang likha at Handong ni: Rey Medalla


Ala-alang lumipas sa isipa'y nagbabalik
nang dito sa air-port siya ay ihatid
may lungkot sa puso tumatangis itong isip
nang sa sariling bayan siya ay umalis

Nang sasakyan niya tuluyang lumayo
nangilid ang luhang sa pisngi'y tumulo
impit na winika sa mga anak lalayo
pag-asa'y dala..."ang bukas may pangako"

Isang inang tangi at siya lang sandigan
nang mga nak n'ya sa kanilang kahirapan
puso'y nagdurusa ng siya ay mamaalam
malayong bansa dito ay mamasukan

Sigaw ng pusong totoong kay kirot
sa kanyang damdaming taglay na himutok
tanging lakas niya ay tatag ng loob
diyos ko...ang sambit pangarap ay maabot

Dito sa italya'y nakipagsapalaran
dilim at liwanag kanyang kaagapay
dilim sa isipang mayroong agam-agam
tuwa na liwanag kanyang makakamtan

Kay sakit kay hapdi kanyang naramdaman
sa oras ng pag-iisa tigib ng kalungkutan
tuwina ay umiiyak sa gabi at araw
labis ang hapding sa pamilya ay mawalay

Itong mga bagabag lagi niyang kapiling
puso'y naghihirap,isip at damdamin
lahat ng sakit kaya niyang bathin
pangako ng bukas sa palad lang kamtin

Lahat ng hamon sa atin dumating
Tatagan ang loob at huwag manimdim
lumaban,mag-sikap tayo ay dumalangin
pangarap na asam siguradong kakamtin

Araw ay sisibsib sa dakong kanluran
mababalot ng dilim ang kapaligiran
muli ay sisikat sa dakong kanluran
liwanag ang hatid tanglaw nitong buhay

Oras ay lumipas, linggo, mga buwan
tangkay ng panahon ito'y naglalaglagan
ang dating madilim sinuong niyang buhay
ngumiti ang liwanag silahis nitong araw

May ngiti sa labi wala ng alinlangan
giliw na mga anak tapos na ng pag-aaral
may sarili pa siyang lupa at tahanan
pugad ng pag-ibig ipos ng pagmamahalan

Sa bawat pag-subok,dalangin,pag-sisikap
diyos ang gabay nakamasid sa itaas
ngayo'y matiwasay isipan ay panatag
tuwa'y nakamit sa kanyang pag-hihirap

Yaong pag-sisikap at kanyang dalangin
siya niyang dinala ito'y pagsamahin
kalasag na matibay 'di kayang supilin
asam sa buhay nakaya niyang abutin

Hindi lahat ay pawang kalungkutan
sa ating buhay ay siyang makakamtan
sa mundong ito maging sino ka man
tuwa ay darating mag-sikap ka lamang

Comments

Popular posts from this blog

Para sa aking Mahal na Magulang

Siya na Aking Ina

Lumipad at Mangarap